Ipinagbawal ng Iran ang pagers at walkie-talkies sa lahat ng flights, ilang linggo matapos ang sabotage attacks sa Lebanon na isinisi sa Israel.

Tinukoy ng ISNA news agency ang pahayag ni Jafar Yazerlo, spokesman ng Civil Aviation Organization na bawal ipasok sa flight cabins ang anomang electronic communication device, maliban sa mobile phones.

Ang desisyon ay tatlong linggo matapos ang sabotage attacks na target ang mga miyembro ng Iran-allied Hezbollah group sa Lebanon, kung saan sumabog ang mga pagers at walkie-talkies na kumitil sa 39 na katao.

Halos 3,000 ang nasugatan sa nasabing pag-atake, na isinisi ng Iran at Hezbollah sa Israel, kabilang ang ambassador ng Iran sa Lebanon na si Mojtaba Amani.

Una nang ipinagbawal ng Dubai-based airline Emirates ang pagers at walkie-talkies sa mga eroplano.

-- ADVERTISEMENT --

Marami ring flight ang sinuspindi nitong mga nakalipas na linggo kasunod ng missile attack ng Iran noong October 1.

Nagpakawala ang Iran ng 200 missiles sa Israel bilang ganti sa pagpatay sa Tehran-aligned militant leaders sa rehion at ang general ng Revolutionary Guards ng bansa.

Nangako naman ang Israel ang paghihiganti, kung saan sinabi ni defense minister Yoav Gallant na ang mga pag-atake ay precise at surpresa.