
Nagbabala ang Foreign Minister ng Iran na si Abbas Araqchi na magsasagawa ang kanilang bansa ng matinding ganting-aksyon sakaling muling umatake ang Estados Unidos sa mga target sa Iran. Sa magkahiwalay na pakikipag-usap sa mga opisyal ng Türkiye, Pakistan at Saudi Arabia, sinabi ni Araqchi na anumang pag-atake ng U.S. at Israel, o pakikilahok ng ibang bansa sa rehiyon, ay sasagutin ng katumbas na tugon ng Iran.
Kasunod ito ng ulat ng isang media outlet na may kaugnayan sa pinakamataas na security body ng Iran na nagsabing posibleng targetin ng Tehran ang mga oil field sa Saudi Arabia at United Arab Emirates, gayundin ang gas fields sa Qatar at Israel, kung aatakihin ng U.S. ang energy infrastructure ng Iran. Samantala, sinabi ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos na bukas pa rin siya sa posibilidad ng kasunduan sa Iran ngunit nawawalan na umano siya ng tiwala sa Tehran at muling nagbantang magsasagawa ng panibagong pag-atake.
Dahil sa nagpapatuloy na tensyon, nananatiling mataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado habang nababawasan ang mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz dahil sa banta ng pag-atake. Nadagdagan pa ang pangamba matapos iulat ng hukbong sandatahan ng Kuwait ang pagbagsak ng mga debris mula sa mga drone at ang dalawang magkahiwalay na insidente na kinasangkutan ng mga tanker sa karagatan malapit sa Oman.










