
Pinayagan ng Iran ang ligtas at tuloy-tuloy na pagdaan ng mga barkong may bandilang Pilipino, kabilang ang mga suplay ng enerhiya at mga Filipino seafarer, sa Strait of Hormuz sa gitna ng tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Ito ay kasunod ng pag-uusap nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro at Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Aragchi, kung saan napag-usapan ang kooperasyon at kahilingan ng Pilipinas na maituring bilang non-hostile country.
Mahalaga ang naturang kasunduan para sa Pilipinas upang matiyak ang kaligtasan ng mga seafarer at mapanatili ang suplay ng enerhiya, lalo na’t dumaraan sa nasabing rutang pandagat ang malaking bahagi ng pandaigdigang langis at liquefied natural gas.
Nauna nang nagpatupad ng blockade ang Iran sa naturang lugar dahil sa sigalot sa rehiyon, at nilinaw nitong pinapayagan lamang ang pagdaan ng mga bansang itinuturing na hindi kaaway.










