Inaprubahan ng mga mambabatas sa Iran ang panukalang itigil pansamantala ang kooperasyon ng bansa sa International Atomic Energy Agency (IAEA), kasunod ng 12-araw na tensyon sa rehiyon na nagresulta sa pag-atake ng Israel at Estados Unidos sa mga nuclear facilities ng Iran.

Ayon sa ulat ng Iranian state TV, sinabi ni Iranian Parliament Speaker Mohammad Bagher Ghalibaf na nawalan na ng kredibilidad ang IAEA sa internasyonal na antas matapos mabigong kondenahin kahit bahagya ang pag-atake sa nuclear facilities ng bansa.

Ang IAEA, isang sangay ng United Nations, ang responsable sa pag-monitor ng mga nuclear programs ng mga bansa upang matiyak na ito’y ginagamit para sa mapayapang layunin.

Subalit sa panig ng Iran, tila naging tahimik umano ang ahensya sa kabila ng paglabag sa kanilang soberanya.