Patay ang isang barangay kapitan habang sugatan ang kanyang anak na lalaki sa pamamaril na isinagawa ng mga salarin na sakay ng motorsiklo sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija kahapon ng hapon.
Ayon sa pulisya, idineklarang dead on arrival si Barangay Chairman Cenon Pineda Jr. sa Guimba General Hospital.
Si Pineda ang pangatlong barangay kapitan na pinatay sa Nueva Ecija sa loob ng halos dalawang buwan pagkatapos ng midterm elections noong May 12.
Binaril-patay si Joel Damacio ng Talavera noong June 9, na sinundan ni Cesar Asunxion ng Laur noong July 13.
Ayon sa pulisya, ginagamot na sa ospital ang kanyang anak sa isang hiwalay na pagamutan.
Batay sa paunang imbestigasyon, binabantayan ng mag-ama ang ginagawang perimeter gate sa kanilang bahay nang dumating ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo at agad silang pinagbabaril.
Nagtamo ng maraming tama ng baril sa kanilang katawan ang mag-ama.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad sa mga suspek, at inaalam na rin ang motibo sa krimen.