Nakalabas na mula sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang pang-ika labin-anim na mga pasyenteng gumaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na admit sa naturang pagamutan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na pinauwi na kahapon, April 12 si PH3098 ng Barangay Atulayan, Tuguegarao City matapos nagnegatibo na sa pangalawang test sa kanya.

Kaugnay nito, dalawang COVID-19 patients na lamang ang nananatili sa CVMC at hinihintay pa ang resulta ng swab retests na kinabibilangan nina PH3668 at PH3773, kapwa residente sa Tuguegarao City.

Sinabi din ni Dr. Baggao na mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay ay walang naitalang bagong kaso ng COVID-19.

Samantala, sinabi ni Dr. Baggao na 9 na “suspects” o mga persons under investigation na hindi pa tine-test sa COVID-19 ang patuloy na inoobserbahan sa CVMC.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang dito ang isang 24 anyos na babae mula sa Brgy. Ugac Sur, 61 anyos na mula sa Ugac Norte, 26 anyos na babae at health worker mula sa Brgy. Centro, Tuguegarao City, 68 anyos na babae mula sa bayan ng Peñablanca, isang 32 at 65 anyos na babae mula sa bayan ng Amulung, 22 anyos na babae mula sa bayan ng Lasam at 66 anyos na babae mula naman sa bayan ng Mallig, Isabela.

Sa ngayon ay tiwala naman si Baggao na sa kanilang pagsusumikap na labanan ang naturang sakit ay tuluyan ng mapababa ang kaso ng COVID-19.

Sa buong rehiyon dos, 20 na mula sa 26 na naitalang COVID-19 patients ang nag-negatibo sa naturang sakit.