Isa pang kaso ng overpricing na sangkot ang free public Wi-fi program ang natuklasan sa pagdinig ng Senado.
Ito ay matapos aminin ni DICT Secretary Henry Aguda nang ilabas ito ni Senator Loren Legarda sa pagdinig kahapon ng Senate committee on finance, ang P150 million proposal na dinala ng ahensiya sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Legarda, nakatanggap ang kanyang opisina ng walang pirmang proposal mula sa DICT nang tanungin niya ang tungkol sa halaga ng renewal ng buwanang subscription ng free Wi-fi project sa kaniyang probinsiya sa Antique.
Sinabi ni Legarda na may breakdown naman ng babayaran, subalit nagulat siya dahil ito ay masyadong mahal.
“They said I supposedly need to purchase or include another P150 million under the GAA (General Appropriations Act) provision for the site. I said, why is that? It should just be a monthly subscription. Unless I’m ignorant about engineering, and you really have to buy new digital infrastructure every year.”
Base sa DICT proposal sa kanyang opisina para sa 2025, sinabi ni Legarda na ang subscription cost breakdown para sa Antique ay P90,116 per month.
Subalit sa pag-aaral ng DICT, ang monthly subscription ay nagkakahalaga lamang ng P26,000 per site.
Kalaunan, sinabi ni DITC Undersecretary Christina Faye Condez-De Sagon na ang kanilang babayaran ay P26,000 per site kada buwan para sa subscription service.
“The resulting new rate of P26,000 per site is actually the result of what we’ve been doing in the department right now. We’re rationalizing all the contracts; we’re reviewing all the contracts in the department. So this is actually why there’s a drastic drop in the monthly subscription fees that we’re going to be paying moving forward,” paliwanag pa ni Condez-De Sagon.
Subalit, ipinunto ni Legarda na ang orihinal na P90,000 buwan-buwan na subscription proposal ay masyadong overpriced kung pagbabatayan ang P26,000 per site.
Sinabi pa ni Legarda na ang bagong P150 million na kahilingan ay maliban pa sa P71 million at isa pang P150 million na unang inilaan para sa parehong proyekto.
Subalit sinabi ni Aguda na ang proposal na dinala sa kanyang opisina ay hindi otorisado at hindi kasama sa inilabas niyang department orders.
Sinabi ni Aguda, iniimbestigahan na ang mga nagpadala ng walang pirmang proposal sa tanggapan ni Legarda, kung saan isa na ang agad na isinailalim sa preventive suspension, habang ang isa pa ay hindi na konektado sa DICT.