
Isa pang commissioner ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang naghain ng kanyang resignation ngayong araw, sa paniniwala na magkakaroon ng “transition” ang tungkulin ng kapulungan sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Commissioner Rosanna Fajardo na ang kanyang “courtesy resignation” ay magiging epektibo sa December 31.
Sa kanyang pahayag, sinabi niya na nagpapasalamat siya sa ibinigay na oportunidad na makapagbigay ng kontribusyon sa isang nagkakaisang misyon na prayoridad ang kapakanan ng mga mamamayan.
Ayon sa kanya, ang kanyang mga kontribusyon ay nagresulta sa mga rekomendasyon na layuning mapabuti ang government procurement at budgeting processes may kaugnayan sa infrastructure projects.
Naniniwala si Fajardo na nakumpleto na niya ang trabaho na iniatang sa kanya nang siya ay italaga bilang commissioner ng ICI.
Ayon sa kanya, maaari nang ipaubaya ang investigative at prosecitional responsibilities sa ibang ahensiya ng pamahalaan, tulad ng Department of Justice at Office of the Ombudsman, na mas may kapangyarihan na matiyak ang pananagutan ng mga contractor at government officials na sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.
Samantala, sang-ayon din siya sa panukala na magkaroon ng permanente at matatag na Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) Independent People’s Commission (IPC).
Matatandaan na unang nagbitiw sa ICI sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at dating DPWH Secretary Rogelio Singson.










