Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon ang pagkamatay ng isa pang Pilipino matapos ang malakas na 7.7-magnitude na lindol sa Myanmar noong nakaraang buwan.

Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Yangon, natukoy na ang bangkay ng ikalawang Pilipinong biktima.

“Bilang respeto sa pamilya ng nasawi, hindi na kami magbibigay ng karagdagang detalye,” pahayag ng DFA.

Noong Miyerkules, una nang kinumpirma ang pagkamatay ng isa sa apat na nawawalang Pilipino sa Mandalay.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega, nakuha ang labi ng biktima noong Martes ng gabi. Nakilala ito sa pamamagitan ng tattoo at pasaporte sa tulong ng mga eksperto mula sa NBI.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit posibleng mahirapan ang DFA sa pagpapauwi ng labi dahil sa matinding pagkabulok nito, dagdag pa ni De Vega.

Dalawa pang Pilipino ang patuloy na pinaghahanap.

Umabot na sa mahigit 3,000 katao ang nasawi sa malagim na lindol na yumanig sa gitnang bahagi ng Myanmar.