Isa pang potential witness sa kaso ng mga nawawalang sabungero ang nagpadala umano ng feelers sa National Police Commission (Napolcom).
Sinabi ni Napolcom vice chairperson and executive officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, ang indibidual na hindi pinangalanan ay nakapagbigay ng karagdagang impormasyon sa kaso.
Ayon kay Calinisan, mahalaga ito dahil sa may lumulutang na dagdag na mga detalye sa nasabing kaso.
Sinabi ni Calinisan, ang potential witness ay may koneksion sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Ayon kay Calinisan, handa ang mga awtoridad na magbigay ng seguridad sa nasabing testigo, na aniya ay nasa ligtas pa namang lugar.
Sinabi pa ni Calinisan na napakamalikhain ang mga sinabing detalye ng potential witness, at maging siya ay hindi niya maikuwento.
Subalit sinabi ni Calinisan na masaya siya dahil anoman ang paraan ng pagsasabi ng mga impormasyon ay may mga tao na gustong magsalita para malaman ang katotohanan sa kaso ng missing sabungeros.
Kasabay nito, sinabi niya na ang desisyon para gawing state witness ang nasabing indibidual ay nasa pagpapasiya ng Department of Justice.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Napolcom sa mga pulis na isinasangkot para sa administrative aspect ng nasabing kaso.