Magbibigay ng pabuya ang pamahalaang lokal ng Calayan, Cagayan sa sinumang magsusuko ng nakita o narekober na shabu na palutang-lutang sa dagat.
Kasunod ito ng pagkakarekober ng isang mangingisda ng panibagong plastic na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na humigit kumulang isang kilo na palutang- lutang sa karagatang sakop ng Brgy Naguilian, Calayan nitong Sabado, August 3.
Ito ay may katulad na Chinese characters at markings na Cai Yun Li na may pareho rin bigat mula sa tinatayang nasa humigit kumulang P4M na narekober noong nakaraang Linggo na shabu sa karagatang sakop ng Fuga Island sa bayan ng Aparri.
Nitong mga nakalipas na araw ay may insidente rin ng pagkakarekober ng kahalintulad na kontrabando sa karagatang sakop ng Sanchez Mira.
Ayon kay Calayan Mayor Joseph Llopis, makakatanggap ng P25K hanggang P50K na pabuya ang sinumang makakapagsuko sa mga otoridad ng narekober o marerekober ng kahalintulad na kontrabando sa dagat.
Naniniwala ang alkalde na may mga kasama pa ang mga naunang narekober kung kayat patuloy rin ang pagpapatrolya sa dagat ng LGU, katuwang ang Philippine Coast Guard, Phillippine Marines at PNP.
Sa ngayon ay sinusuri na ang narekober na item sa PNP Forensic Unit para sa kumpirmasyon kung ito nga ay shabu.