Nakatakdang ilabas ng Quad Committee sa Kamara ang isa pang testigo na susuporta sa alegasyon na si dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma ang mastermind sa pagpatay sa board secretary na si Atty. Wesley Barayuga.
Ayon kay Quad Comm Chairman Robert Ace Barbers, sasalang pa ang kasabwat ni Police Lt. Col. Santie Mendoza na si Nelson Mariano upang mapagtibay ang testimonya nito na si Garma ang nag-utos na ipapatay si Barayuga.
Si Mariano ang dating pulis na natanggal sa serbisyo dahil sa kasong administratibo at mayroon umanong mga kilalang hitman kaya siya ang tinawagan ni Mendoza.
Iginiit din ni Barbers na mahalaga ang presensya ni Alyas “Toks” na taga-CIDG at sinasabing “bata” ni Garma sa loob ng PCSO dahil siya ang umano’y nag-abot ng reward money kina Mariano at Mendoza na nagkakahalaga ng 300,000 pesos.
Si Toks umano ang nagbigay ng impormasyon kung kailan aalis ng opisina si Barayuga, anong sasakyan ang gamit at siyang nagbigay ng larawan ng target.
Dagdag pa ng kongresista, pinag-aaralan na ng Department of Justice kung kwalipikado sa Witness Protection Program si Mendoza at titimbangin ang bigat ng kanyang testimonya lalo’t sa general rules ay hindi maaaring isailalim dito ang mga aktibong kawani ng gobyerno.