
Patay ang isang katao habang 30 ang nananatiling missing matapos ang landslide sa landfill site sa Barangay Binaliw sa Cebu City kahapon ng hapon.
Karamihan sa mga biktima ay mga manggagawa ng isang private landfill site, isang materials recovery facility.
Nailigtas ang siyam subalit isa ang namatay habang ginagamot sa ospital.
Patuloy ang ginagawang paghahanap sa 30 na nawawala sa landslide.
Kaugnay nito, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga pamilya ng mga manggagawa at security guards ng landfill site.
Ito ay matapos na tanging rescue personnel ang pinayagan na pumasok sa site.
Naging emosyonal ang mga pamilya dahil nais nilang makakuha ng updates sa sitwasyon ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi ni Cebu City Councilor Joel Garganera na nahihirapan sila sa rescue efforts subalit tiniyak na hindi titigil ang rescuers sa paghahanap sa mga nawawala.
Tiniyak naman ng operator ng landfill facility na nakikipag-ugnayan sila sa mga kaukulang mga ahensiya ng pamahalaan at sa local government para magbigay ng kailangang assistance at suporta sa mga naapektohan ng insidente.










