Nasawi ang isang construction worker habang dalawa ang sugatan matapos mabangga ng motorsiklo ang isang E-bike sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Kinilala ni PCAPT Christopher Dawan, deputy chief of police ng PNP Enrile ang mga biktima na sila Alyas Marco, 33 anyos, at ang kanyang backrider na si alyas Vicente, 46 anyos, kapwa construction worker at residente sa Brgy. Inga at alyas Marilou, Brgy. Kagawad, at alyas Heidi na kapwa 42 anyos at residente sa Brgy. Marracuru, Enrile.
Lumalabas sa imbestigasyon, bago umano mangyari ang insidente ay kasalukuyang binabaybay ni Marilou ang provincial highway sa Brgy. Marracuru sakay ng kanyang E-Bike nang aksidenteng mabangga ng motorsiklo ang likurang bahagi ng kanyang sasakyan.
Dahil dito, nagtamo aniya ng pinsala sa ulo ang kanyang pasaherong si Heidi.
Samantala, ang driver naman ng motorsiklo na si Marco, ay nagtamo ng malubhang mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, ganundin ang kanyang backrider na si Vicente.
Agad na dinala sa pagamutan ang mga nasugatang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ang driver ng motorsiklo na si Marco ng umasikasong doctor.