Nasawi ang isang 47 anyos habang sugatan naman ang isa pa na sangkot sa bangaan ng isang motorsiklo at kulong kulong sa Brgy.Pinili, Abulug.

Kinilala ni Police Senior Master Sergeant Alexis Gipolio senior investigator ng PNP Abulug ang biktima na si Joel Tango, 47 anyos habang ang suspek naman ay si Jaymark Balubar, 26 anyos, lending collector at kapwa residente sa bayan ng Pamplona.

Lumalabas sa imbestigasyon na pauwi na sana sa bayan ng Pamplona si Balubar galing sa junction luna na sakay ng kaniyang motorsiklo habang si Tango naman ay galing ng Pamplona na papunta sana sa Ballesteros sakay ng kanyang kulong kulong.

Habang binabagtas aniya ng dalawa ang national highway sa nasabing bayan ay napansin ng suspect na sinakop ng biktima ang kanyang linya at nang iwasan sana nito ang linya ni Tango ay saka naman ito bumalik sa kanyang tamang linya dahilan upang mapunta sa kabilang linya ng kalsada si Balubar at magpang abot ang dalawa.

Direktang nabangga ni Balubar ang side car ng motorsiklo ng biktima at dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon si Tango pitong metro ang layo at nabagok ng malakas ang kanyang ulo sa sementadong kalsada na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay habang tumilapon rin si Balubar tatlong metro ang layo.

-- ADVERTISEMENT --

Agad dinala sa pagamutan ang dalawa ngunit idineklarang dead on arrival si Tango ng umasikasong doktor habang naputulan naman ng dalawang daliri si Balubar.

Napag alaman na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang biktima nang mangyari ang aksidente.

Sa ngayon ay nagkaroon na ng pag uusap ang suspect at pamilya ng biktima kung saan hindi na sila magsasampa ng kaso at sasagutin na lamang ng suspek ang gastos sa pagpapalibing sa biktima at pag sasaayos ng nasirang motorsiklo nito.