TUGUEGARAO CITY- Kasalukuyan pang nag-uusap ang pamilya ng namatay sa aksidente sa Buntun bridge, Tuguegarao City at ang driver ng kotse na nasangkot sa nasabing insidente kagabi.

Sinabi ni PCapt. Jose Gaudencio Pagulayan, Deputy Chief of Police ng PNP Solana, Cagayan na hindi pa nagkakasundo ang magkabilang panig bagamat sinabi ni Regino Domingo, 37, negosyante at residente ng Quezon, Isabela na handa siyang tumulong sa gastusin sa pagkamatay ni Gerald Baliwag, 29, driver ng motorsiklo at sa sugatan na kanyang backrider na si Christopher Balagan, 21 anyos, kapwa binata.

Ayon kay Pagulayan sinabi sa kanya ni Domingo na ibibigay niya kung ano ang kanyang makakaya na maitulong sa pamilya ng biktima subalit kung malaki umano ang kanilang hihingin na danyos ay posibleng maghanap na rin siya ng abogado kung sakali na sasampahan siya ng kaso.

Sinabi ni Pagulayan na iginiit din ni Domingo na hindi niya kasalanan ang pangyayari dahil ang motorsiklo ang pumasok sa kanyang linya ng tulay palabas ng Tuguegarao.

Ayon kay Pagulayan, sa kanilang imbestigasyon, may may tumigil kasi umano na sasakyan sa tulay kaya nag-overtake ang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit sa kanyang pag- overtake ay may nasagi umano itong isa pang sasakyan kaya nawalan siya ng kontrol na manebela at bumangga sa sasakyan ni Domingo.

Nabigla umano si Domingo nang naramdaman na tila may bumangga sa sasakyan kaya niya itinigil ito at nang nang makita niya sa windshield na may nakahandusay na dalawang katao ay pinatakbo niya muli ang kanyang sasakyan at sumuko sa mga pulis na malapit sa tulay na ang nagmamando ang mga taga- Tuguegarao.

Sinabi pa ni Pagulayan na sa kanilang pagtatanong sa backrider ng biktima ay sinabi niyang galing sila sa isang kasalan at nagkaroon ng inuman.