Naging motibasyon ni Atty. Kendrick Lanchinebre ang kanyang pagkakakulong ng mahigit dalawang taon upang magpursigi sa pag-aaral at maipasa ang 2023 Bar examination.
Ayon kay Lanchinebre, nasa 1st year pa lamang siya sa law school ng kinasuhan siya ng rape at pinagbintangan sa kasalanan na hindi niya ginawa.
Napagtanto aniya nito na maraming butas ang batas na maaari kang idiin at baliktarin ang katotohanan kaya nang makalaya matapos na napatunayan sa korte na wala siyang kasalanan ay pinagbuti niya lalo ang kanyang pag-aaral hanggang nakapagtapos.
Kaugnay nito, sinabi niya na hindi biro ang pagod, puyat at pagsisikap na kanyang ibinuhos habang siya ay nag-aaral hanggang sa panahon ng pagre-review at sa mismong araw mg bar exam ngunit tanging ang pananalig sa Diyos ang kanyang kinapitan.
Kaya naman, labis ang pasasalamat nito ng makita niya na isa siya sa mga pumasa sa nasabing pagsusulit.
Samantala, labis din ang pasasalamat ni Atty. Naethan Jhoe Cipriano ng makita nito ang kanyang pangalan sa listahan ng mga nakapasa.
Ayon sa kanya, malaking bahagi ng kanyang motibasyon upang maging ganap na abogado ay ng makasuhan din ang kanyang ama at naramdaman nito ang pagiging helpless o walang magawa upang ipagtanggol ang kanyang ama kaya’t dito siya nagpasya na mag-aral ng abogasya.
Isa rin aniya sa nakatulong kina Lanchinebre at Cipriano upang subukan ang legal profession ay ang pagtatrabaho bilang paralegal sa isang law firm sa lungsod ng Tuguegarao.
Nakita umano ang kahalagahan ng pagtulong sa mga nangangailangan kayat mahalaga anilang maisapuso ang kanilang propesyon para maiangat pa at mapabuti ang sistema ng hustisya sa bansa.
Sina Lanchinebre at Cipriano ay magkaklase at kapwa nagtapos ng pagiging Juris Doctor sa University of Cagayan Valley School of Law.
Hangad naman ni Atty. Michael Pamittan Rey sa pagkakapasa niya sa 2023 Bar Examination na tumulong sa mga mga inaakusahan na walang basehan at biktima ng pang-aabuso ng ating lipunan.
Si Atty. Rey ay kumuha ng pagka-abogasya sa University of Cagayan Valley at kasalukuyang nagtatrabaho sa Bureau of Internal Revenue (BIR) RO2.