Tutulong na rin ang mga rescue teams mula Isabela upang magbigay ng humanitarian at disaster response assistance sa mga lugar na naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng cold front sa Northern Cagayan.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Michael Conag, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) RO2 na idedeploy ngayong araw ang dagdag pwersa ng emergency rescue team ng Cauayan City, Ilagan City at Tumauini sa Isabela na may kasanayan sa pagliligtas ng buhay.

Dala ng mga ito ang kanilang rescue boats, ambulansiya at iba pa kung saan makakasama ng mga ito ang rescue team mula sa Tuguegarao City, Amulung at Baggao sa Cagayan.

Inatas sa mga ito ang transportasyon ng mga relief goods papunta sa mga lugar na apektado ng pagbaha, rescue effort at magbigay ng ayuda.

Base sa datos ng OCD, apat na ang kumpirmadong patay habang isa ang nawawala dahil sa pagkalunod sa bayan ng Peñablanca.

-- ADVERTISEMENT --

Mula kahapon, pumalo na sa 790 pamilya o halos 3,000 indibidwal ang inilikas sa 33 evacuation center sa Cagayan dahil sa biglaang pagtaas ng tubig na dulot ng patuloy na pag-ulan.

Nananatili namang sarado “until further notice” sa lahat ng uri ng sasakyan ang Ilocos to Cagayan road sa bayan ng Sta Praxedes kasunod ng serye ng landslide.

Bukod dito, hindi rin madaanan ang ilang mga provincial at barangay roads lalo na sa mga overflow bridges sa downstream na lubog sa tubig baha kung saan inaalam na ng OCD ang bilang ng mga pasaherong stranded.