
Wala nang buhay nang matagpuan at tadtad ng saksak sa loob ng kaniyang bahay ang isang babaeng 21-anyos sa General Santos City.
Ang partner ng babae na isang miyembro ng LGBTQ ang nakadiskubren sa bangkay ng biktima sa Barangay Apopong kahapon ng umaga.
Ayon kay barangay kagawad Jun Lacea, bubuksan sana ng partner ang kanilang lotto outlet sa bahagi rin ng bahay nang makita ang bangkay ng biktima sa kama.
Mag-isa lang umano noon sa bahay ang biktima, dahil nasa birthday party ang iba niyang kaanak.
Inaasahan na susunod dapat sa kanila ang biktima pero hindi nito nagawa.
Hinala ng pulisya, pinagnakawan ang biktima bago ito pinatay, dahil nagulo ang kuwarto, at tinatayang nagtamo ng 15 saksak ang biktima.
Isang tricycle driver na naghatid ng pagkain para sa mga alaga ng biktima ang kinuwestiyon ng pulisya.
Pero itinanggi nito na may kinalaman siya sa krimen.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen.










