TUGUEGARAO CITY- Nakaalerto pa rin ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC hanggang sa pagkatapos ng pagsalubong sa Bagong Taon para sa mga posibleng dadalhin sa ospital na magtatamo ng injuries dahil sa hindi maiwasang paggamit ng mga paputok at iba pang mga injuries mula sa mga hindi inaasahang mga insidente.
Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief na mayroon silang binuo na special team sa emergency room na exclusive na mag-aasikaso sa mga fireworks related injuries na isusugod sa pagamutan.
Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Baggao na sa kanilang monitoring na nagsimula noong Decemeber 21, may isinugod sa CVMC na isang siyam na taong gulang na lalaki mula sa Barangay Cataggaman, Tuguegarao City na nagtamo ng sugat dahil sa paggamit ng boga noong December 24.
Bukod dito, mayroon din silang ginamot na isang 12 years old na lalaki mula sa bayan ng Solana, Cagayan na tinamaan ng ligaw na bala ang kanyang hita.
Sinabi ni Dr.Baggao na agad naman na nakalabas ng pagamutan ang dalawa.
Samantala, sinabi ni Dr.Baggao na 30 ang isinugod sa CVMC na nasangkot sa vehicular accident mula December 24 hanggang 26 kung saan ang dalawa sa mga ito ay dead on arrival.