Hiniling ni human rights lawyer at dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isumite ang sinumpaang salaysay ni retired police Col. Royina Garma at self-confessed drug lord Kerwin Espinosa sa International Criminal Court (ICC).

Ito ay kasunod ng mga isiniwalat ng dalawa sa pinakahuling pagdinig ng quad committee ng Kamara tungkol sa extrajudicial killings.

Sinabi ni Colmenares, co-counsel ng ICC sa ilang kaso ng mga biktima ng EJK, hindi dapat na isantabi ang mga testimonya na nagpapakita ng “systematic pattern” ng paglabag sa karapatang pantao.

Ayon sa kanya, dapat na magdesisyon ng tama si Marcos at panagutin ang mga sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.

Isiniwalat ni Garma sa quad committee nitong Biyernes ang tungkol sa reward system na ipinatupad ng Duterte administration para sa mga opisyal ng Philippine National Police sa pagpatay sa mga drug suspects.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na ang reward system sa ilalim ng “Davao template” ay mula P20,000 hanggang P1 million.

Ayon naman kay Espinosa, inutusan umano siya ni dating PNP chief at ngayon ay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na idawit si dating Senator Leila de Lima at Peter Lim sa illegal drug trade.