Naghain ng disqualification case ang isang abogado laban sa mga Tulfo sa kanilang pagtakbo sa posisyon sa eleksion sa Mayo noong Fenbruary 14.
Sa 19 pahinang petisyon na inihain ni Atty. Virgilio Garcia sa Commission on Elections (Comelec), hiniling nito na idiskwalipika si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at broadcast journalist Ben Tulfo, na parehong tumatakbo sa Senado; ACT-CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo at Quezon City Rep. Ralph Tulfo, na nagbabalik sa Kamara at dating Tourism secretary Wanda Tulfo Teo na nominado naman ng Turismo party-list.
Sina Erwin, Ben at Wanda ay magkakapatid, habang sina Jocelyn at Ralph ay maybahay at anak ng isa pang kapatid ng mga Tulfo na si Raffy na kasalukuyang senador.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Garcia ang mga Tulfo ay bumubuo ng political dynasty na ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Constitution at hindi natural-born Filipinos.
Binigyang-diin ni Garcia na mayroon nang maanomalya at eskandalo na ama at ina sa kongresop at nais pa ng kanilang pamilya na madagdagan pa ang kapangyarihan ng kanilang pamilya.
Wala pang komento ang mga Tulfo hinggil dito at hindi pa umano natatanggap ang reklamo laban sa kanila.
Samantala, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na sasailalim ito sa karaniwan at ordinaryong proseso na itatalaga sa isang dibisyon ng Comelec.