Pinuri ni Atty. Egon Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines ang Office of the Court Administrator sa inilabas nitong datos na nagpapakita na tumaas ang case disposition rate sa bansa noong 2023.

Batay sa datos, sa first-level courts, mula sa case disposition rate na 53 percent noong 2021, umakyat ito sa 60 percent noong 2022 at 61 percent naman nitong 2023 habang sa second-level courts, ang case disposition rate nitong nakaraang taon ay 42 percent mula sa 39 percent noong 2022 at 32 percent noong 2021.

Sinabi ni Cayosa na nagpapatunay ito na gumagana ang kanilang kampanya para sa ‘justice bilis’ at hindi ‘justice tiis’.

Ayon sa kanya, sa mga nakalipas na taon ay masyadong mabagal ang pag-usad at pagresolba sa mga kaso sa bansa na ikinalulugi ng pamahalaan, mga isinasakdal at maging ang nagsasakdal.

Dahil dito, sinabi niya na hindi masisi ang ilang mamamayan na hindi na lang nagsasampa ng kaso habang ang iba ay gumagamit ng dahas para makapaghiganti sa mga taong gumawa sa kanila ng krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Cayosa na kulang pa ang bilis ng hustisya sa ating bansa at dapat na ipagpatuloy ito upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa ating justice sytem at matigil na rin ang culture of impunity.

Idinagdag pa niya na habang pinapatagal ang mga kaso ay ang mga mahihirap ang higit na kawawa na walang kalaban-laban sa mga may kaya at maimpluwensiya.

Kaugnay nito, sinabi ni Cayosa na naniniwala siya na malaking tulong sa mabilis na pagresolba sa mga kaso ang online hearing at pagsusumite ng pleadings sa pamamagitan ng electronic system sa halip na idaan sa Philpost.