Isang hindi pangkaraniwang tawag ang natanggap ng mga sheriff sa Washington mula sa isang babae matapos na dagsain ng napakaraming raccoon sa kanyang tahanan.

Ayon kay Kevin McCarty, tagapagsalita ng sheriff’s office, inilarawan ng babae na kinailangan niyang lumikas mula sa kanyang ari-arian matapos ang 50 hanggang 100 raccoon ang sumalakay sa kanyang bahay.

Sinabi ng babae na nagsimula siyang magpakain ng isang pamilya ng raccoon ilang dekada na ang nakalipas, ngunit nakaranas siya ng matinding pagdagsa ng mga ito sa nakaraang anim na linggo.

Hanggang ngayon, hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng biglaang pagdami ng mga raccoon. Ayon sa sheriff’s office at sa Washington Department of Fish and Wildlife, walang batas na nalabag sa insidenteng ito.

Pahayag ni Bridget Mire mula sa Washington Department of Fish and Wildlife, ipinagbabawal sa ilalim ng batas ng estado ang pagpapakain sa mga malalaking carnivore, tulad ng mga oso at cougar. Bagamat may mga local ordinance na nagbabawal sa pagpapakain ng ibang wildlife, sa kasalukuyan, hindi ito labag sa batas ng estado.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunpaman, mariing pinayuhan ng ahensya ang mga tao na huwag magpakain sa mga wildlife. Ang mga raccoon, halimbawa, ay maaaring magdala ng mga sakit, at ang pagkain ay maaaring makaakit ng mga mandaragit tulad ng mga coyote at oso.