Kasalukuyang nagpapagaling ang isang 34 anyos na babae matapos pagsasaksakin ng kanyang sariling asawa sa bayan ng Piat, Cagayan.
Kinilala ni PLT John Philip Salva, deputy chief of police ng PNP Piat ang biktima na si Janice Simangan habang ang suspect naman ay si Reynold Simangan, 39 anyos, tricycle driver at kapwa residente sa Barangay Dugayung ng nasabing bayan.
Lumalabas sa imbestigasyon na bandang January 24, 2025 ay dati na umanong mayroong di pagkakaunawaan ang mag asawa ngunit pagsapit ng alas syete ng gabi nitong January 25, 2025 ay nakipag inuman ang suspect sa kanilang kapitbahay dahil sa isang okasyon.
Pagsapit aniya ng 9:30 ng gabi ng nasabing petsa ay umuwi ang suspect sa kanilang bahay kung saan agad itong pumunta sa kanilang kusina at kumuha ng kutsilyo at nang paglabas ng kanyang asawa sa banyo ay agaran nitong pinagsasaksak ang asawa.
Nagtamo si Janice ng mga multiple na saksak at sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Samantala, sa oras ng insidente, ang kanilang 12-taong gulang na anak ay agarang nagpasaklolo sa kanilang mga kamag-anak.
Agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima at sa ngayon ay stable na ang kanyang kalagayan.