
Nasa panganib na tuluyang gumuho ang ilang bahay sa bayan ng Niscemi sa Sicily matapos ang isang landslide na dulot ng malakas na bagyo, ayon sa pinuno ng civil protection ng Italy nitong Martes.
Ang Niscemi, na may humigit-kumulang 25,000 residente at matatagpuan sa timog-gitnang bahagi ng Sicily, ay nasa ibabaw ng isang talampas na unti-unti umanong bumabagsak patungo sa kapatagan sa ibaba. Dahil dito, mahigit 1,500 katao na ang inilikas ng mga awtoridad.
Makikita sa mga drone image na ang ilang gusali ay halos nakabitin na sa gilid ng bangin matapos bumigay ang malalaking bahagi ng dalisdis. Mayroon ding sasakyan na naiwan na ang unahang bahagi ay nakausli na sa malalim na bangin.
Noong Lunes, nagdeklara ang pamahalaan ni Prime Minister Giorgia Meloni ng state of emergency sa Sicily, Sardinia, at Calabria—ang tatlong rehiyon sa timog ng Italy na matinding tinamaan ng malakas na bagyo noong nakaraang linggo.
Sa mga nagdaang taon, mas nagiging madalas ang matitinding weather events sa Italy. Ilang lungsod na ang nasalanta ng pagbaha na kumitil sa dose-dosenang buhay at nagpalala ng panganib ng landslide at pagbaha, maging sa mga lugar na dati’y hindi itinuturing na high-risk.
Naglaan ang gobyerno ng €100 milyon (humigit-kumulang $119 milyon) para sa agarang pangangailangan ng mga lugar na pinakatinamaan ng bagyo. Gayunman, tinataya ng mga lokal na opisyal na aabot sa mahigit €1 bilyon ang kabuuang pinsala matapos wasakin ng malalakas na hangin at alon ang mga baybaying komunidad, tahanan, at negosyo.
Sa Niscemi, nagdulot ng takot at galit ang biglaang paglikas ng mga residente. May ilan na nagsasabing matagal nang may mga naunang landslide sa lugar ngunit hindi ito nabigyang pansin ng mga awtoridad.










