Paty ang isang construction worker matapos masaksak ng apat na beses sa Brgy. Batangan, Gonzaga, Cagayan.

Kinilala ni PMSG Darwin Ponce imbestigador ng Gonzaga Police Station ang biktima na si Alyas John, 33 anyos at residente ng Brgy.Centro Baggao habang ang suspect naman ay si Alyas Jake, 22 anyos, binata at residente ng Brgy. Villa, Sta. Teresita.

Lumalabas sa imbestigasyon na galing umano sa inuman ang suspect bago pa man pumunta sa Brgy. Batangan kung saan nagtatrabaho ang kanyang ama upang magtago matapos na makipag away sa kanyang nakainuman sa kanilang barangay.

Ilang saglit lang din aniya ay nagkaroon din ng inuman ang suspect kasama ang kanyang ama at biktima sa bunkhouse kung saan sa kalagitnaan ng kanilang pag iinuman ay nakikipagdiskusyon sa video call si alyas Jhon sa kanyang kinakasama at nang mairita ang suspect ay nanghamon ito ng away.

Hindi naman pinansin ng biktima ang suspect dahil sa kausap nito at sinubukan pa umano ng kanyang ama na umawat at nang hindi na niya maawat ay nagpasya muna itong magpahinga sa isang dumptruck.

-- ADVERTISEMENT --

Dito na nagkaroon ng suntukan ang dalawa at nang makarinig ng lagabog ang ama ng suspect ay agad itong pumunta sa kanilang kinaroroonan kung saan nakita niya ang kanyang anak na dinadaganan ang biktima at pinagsasaksak.

Sinubukan pa ng ama na umawat ngunit agad na tumakas palayo ang kanyang anak habang nagtamo naman ng apat na saksak ang biktima sa parte ng kanyang dibdib at leeg dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga otoridad para sa posibleng pagkakaaresto ng suspek habang narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang patalim na ginamit nito at mahaharap ito sa kasong pagpatay.