TUGUEGARAO CITY- Inihahanda na ang mga kaso laban sa tinanggal na empleado ng quarry division ng Cagayan dahil sa extortion activity sa mga nagnanais na maging quarry operator.
Sinabi ni Edwin Buendia, head ng Provincial Natural Resources and Environment Office o PNREO kinumpiska na rin ang ID ni Dinemark Camit na nangangahulugan na hindi na siya konektado sa pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Buendia, nagreklamo sa Mines and Geosciences Bureau si Aurelio Cachola Jr. matapos na hindi siya mapasama sa inimbitahan na makiisa sa tree planting activity kahapon bilang bahagi ng unang anibersaryo ng simultaneous tree planting ng mga may permit na quarry operators.
Inakala umano ni Cachola na mayroon na siyang permit dahil sa sinabi sa kanya ni Camit na lumabas na ang kanyang permit noon pang buwan ng Oktubre ng 2021.
Subalit sa kanilang paghalungkat sa mga dokumento, natuklasan na tunay na may inilabas na dalawang permit noong Setyemre at Oktubre nitong nakalipas na taon subalit walang pangalan si Cachola.
Bukod dito, sinabi ni Buendia na wala ni isang dokumento tulad ng sketch plan o application na isinumite si Cachola.
Sa salayasay ni Cachola, una umano siyang inutangan ni Camit ng P190, 000 at dahil sa hindi nakakabayad ay sinabihan muli siya na dagdagan na lamang ito para maging P300, 000 bilang bayad ng kanyang permit sa quarry operation.
Sinabi ni Buendia na nagmamakaawa umano si Camit na patawarin siya sa kanyang ginagawa subalit hindi na umano niya ito mapapalampas dahil bukod kay Cachola ay marami na ring siyang unang nabiktima.
Kaugnay nito, sinabi ni Buendia na dati nang may kaso si Camit matapos na gamitin ang pangalan ni Governor Manuel Mamba para makapangikil sa mga nagnanais na mapabilang sa Cagayan Restoration Project gamit ang pekeng memorandum na may peke ring lagda ng gobernador.
Sa nasabing insidente, isang opisyal ng pulis ang naging biktima niya matapos na hingan ng P200, 000 kapalit ng paglalakad niya ng kanyang mga papeles at pangako na may ipapagamit siyang backhoe.
Nagsagawa ng paghalughog sa sasakyan ni Camit kung saan dito nakita ang mga pekeng dokumento at isang granada.
Subalit nakapagpiyansa si Camit.
Bukod sa nasabing opisyal ng PNP, may lima pang naging biktima si Camit kung saan ang isa pa ay anak ng mayor ng Alcala.
Idinagdag pa ni Buendia na bago ang mga nasabing insidente ay nagkaroon na rin ng hindi magandang record si Camit kung saan inutangan din niya ang kapwa niya empleado ng P50, 000 para umano sa kanyang pagpapagamot sa kanyang diabetis.
Subalit dahil sa personal ang nasabing pangyayari ay tinanggal niya si camit bilang team leader sa Gonzaga at ginawa na lamang niya siyang quarry checker at inilipat sa ibang lugar.
Samantala, sinabi ni Buendia na halos P90m ang kanilang koleksion sa quarry nitong 2021.
Kaugnay nito, sinabi niya na ang ibinigay sa kanila ni Mamba na collection target ngayong taon ay P500m.
Sinabi ni Buendia na sisikapin nila na maabot ang nasabing target dahil sa ang malaking bahagi nito ay posibleng makuha sa Cagayan River Restoration Project.