
Nadakip sa isinagawang entrapment operation ang isang empleyado ng Environmental Management Bureau (EMB) dahil sa umanoy pangingikil sa isang negosyante sa Cabagan, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alias “Marites,” 35-anyos, walang asawa at residente ng Tuguegarao City, Cagayan.
Ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng mga otoridad ay kasunod ng reklamo ng negosyanteng si alias “Lourdes”, 56-anyos at residente ng Brgy. Catabayungan, Cabagan, Isabela.
Batay sa imbestigasyon, noong Enero 23, 2026 ay lumapit ang complainant sa Cabagan Police Station at iniulat na siya ay hinihingan ng pera ng suspek.
Nabatid na noong unang linggo ng Nobyembre 2025, nakatanggap siya ng sulat ang biktima mula umano sa DENR Regional Office 2 kaugnay sa alegasyong maling pagtatapon ng used oil at batteries sa kanyang gasoline station sa Brgy Ugad.
Nangako umano ang suspek na “aayusin” ang problema kapalit ng halagang P60,000 at nagbanta na posibleng ipasara ang negosyo kung hindi ito mababayaran.
Dahil dito, nagbigay ang complainant ng tseke na P40,000 at karagdagang P20,000 cash ngunit muli umanong humingi ng pera ang suspek noong Enero 23, 2026, dahilan upang humingi na ito tulong sa pulisya.
Naaresto ang suspek matapos tanggapin ang halagang P60,000 na binubuo ng dalawang tunay na tig-P1,000 na may powder dust at limampu’t walong piraso ng boodle money.
Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong robbery extortion.
Sa isang pahayag, sinabi ni PCOL MANUEL BRINGAS, Acting Provincial Director ng PNP Isabela, na mahigpit na tinututulan ng kapulisan ang anumang uri ng pangingikil at pang-aabuso sa kapangyarihan, lalo na kung sangkot ang pananakot sa mga lehitimong negosyante.










