Inihayag ng Philippine Air Force (PAF) na nawawala ang kanilang FA-50 fighter jet habang nagsasagawa ng tactical night operation bilang suporta sa ground troops.
Sinabi ni PAF spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo, nawala ang aircraft kaninang madaling araw matapos na mawala ang komunikasyon habang nasa himpapawid.
Ayon kay Castillo, sinikap ng isa pang aircraft na ma-contact ang nawawalang aircraft hanggang sa kanilang pagbabalik sa Mactan, Cebu.
Sinabi niya na may dalawang piloto sa bawat aircraft sa nasabing operasyon.
Idinagdag pa ni Castillo na nakasuot ang mga piloto ng personal locator beacons subalit hindi na siya nagbigay ng impormasyon kung naglalabas ang mga ito ng signals.
Sinabi niya na ang pagkawala ng FA-50 fighter jet ang pangunahing insidente na sangkot ang kanilang fighter aircraft.
Ayon sa kanya, nagsasagawa na ang PAF ng masusing paghahanap sa nawawalang aircraft, at ang kanilang pangunahing alalahanin ay ang ligtas na pagbabalik ng mga piloto.
Kumpiyansa ang PAF na ligtas ang mga piloto ng nasabing aircraft.