Patay ang isang Filipina nurse habang matindi ang tinamong pinsala ng dalawa niyang kasamahan matapos ang hit-and-run incident sa Tabuk City, Saudi Arabia.

Sa Facebook post, sinabi ng tanggapan ng Migrant Workers sa Jeddah, ang mga biktima ay pawang mga Filipino nurses, kung saan galing sila sa Tabuk Park Mall at pauwi na sila sa kanilang tinutuluyan nang mangyari ang insidente kahapon ng madaling araw.

Tumatawid sila sa kalsada sa Muruj Al Amir District sa harap ng mall nang mabangga sila ng sasakyan na mabilis ang takbo.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang isa sa mga biktima.

Isa sa dalawang nasugatan ay dinala sa Riyadh para isailalim sa operasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaalam na rin ng Migrant Workers Office ang insidente sa pamilya ng mga biktima.

Tinutulungan na rin ng MWO at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga biktima para mabigyan sila ng hustisya.