Isang spillway gate ang posibleng buksan sa Magat Dam sa Ramon, Isabela ngayong Linggo ng umaga, Abril 6, bandang alas 10:00am. ayon sa Magat River Integrated Irrigation System.
Ito ay bilang paghahanda sa posibleng pagtaas ng tubig sa dam dahil sa pag-uulang dulot ng northeasterly windflow o ng hanging nagmumula sa hilagang-silangan, lalo pa at ngayon ay malapit na sa critical level ang antas ng tubig nito.
Ayon sa Magat River Integrated Irrigation System, isang metro ang bubuksan para magpalabas ng 190 cubic meter per second.
Paliwanag ni Dam and Reservoir Division – Flood Forecasting and Instrumentation Section Head Engr. Edwin Viernes, sa ngayon ay nasa 50% pa lamang ang katiyakin ng naturang hakbang, depende sa dami ng inaasahan at aktwal na pag-uulan sa Magat Watershed.
Posible rin itong hindi matuloy o maantala, depende na rin sa paggamit ng SN Aboitiz Power, Inc. (SNAP) sa tubig para sa power generation.
Sa kasalukuyan kasi, aniya, ay hindi pa napapantayan ng ginagamit nitong tubig ang water inflow sa Magat Dam, lalo at katatapos lamang ng kanilang annual preventive maintenance.
Ayon kay Viernes, malaking tulong ang pagdagdag pa ng SNAP sa water utilization nito para mapababa ang 191.25 meters above sea level (masl) na water elevation sa kasalukuyan na mas mababa na sa dalawang metro ang layo mula sa critical level na 193 masl.
Samantala, sa kasalukuyan ay nasa 120.62cms ang water inflow dahil sa pag-uulan sa watershed nito.