Nakatakdang ilunsad ng isang grupo ng mga guro ang signature campaign bilang suporta sa panukalang batas na nagbibigay ng P50K entry-level na suweldo para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Chairperson Vladimer Quetua, iikot ang grupo sa mga paaralan sa buong bansa upang mangalap ng pirma para sa panawagang gawing prayoridad ang panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod ng mga guro at dagdag na budget sa edukasyon.
Paliwanag ni Queta, ang kasalukuyang suweldo ng mga guro ay hindi sapat o mas mababa sa kasalukuyang family living wage dahil sa pagtaas ng mga bilihin.
Overdue na rin aniya ang dagdag sahod para sa mga guro kumpara sa natatamasang taas-sahod ng mga pulis, sundalo at nurse.
Naniniwala naman si Queta na kung nanaisin ay magagawan ng paraan ng gobyerno na mahanapan ng pondo ang umento sa sahod ng mga guro.