TUGUEGARAO CITY- Isinailalim na sa inquest proceeding ang isang guro na nahulian ng baril sa checkpoint sa Barangay Alabiao, Tuao, Cagayan, kahapon.

Sinabi ni PCapt. Franciso Liwag, hepe ng PNP Tuao na kasong paglabag sa Republi Act 10591 o An Act providing for Comprehensive Law on Firearms and Ammonutions at paglabag sa Omnibus Election Code may kaugnayan sa gun ban laban kay Lorenzo Pagulayan, 25 anyos, residente ng Baggao, Cagayan.

Ayon kay Liwag, nakita ang baril na 22 revolver, pitong bala at holster sa loob ng sasakyan ni Pagulayan nang ipabukas ang bintana ng kanyang sasakyan bilang bahagi ng protocol sa mga COMELEC checkpoint.

Sinabi niya na sa kanilang pagtatanong kay Pagulayan, hindi umano niya alam na may baril sa sasakyan dahil hindi umano niya ito pagmamay-ari.

Ayon sa guro, sinabihan umano siya ng isang kaibigan na kinilala lamang na si alyas Ray na imaneho ang sasakyan at magkikita sila sa Tuao habang siya ay nasa lungsod ng Tuguegarao.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Liwag na nakipag-ugnayan na rin sila sa Land Transportation Office upang malaman ang tunay na pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan na hindi nakarehistro sa guro.

Ayon sa kanya, maaaring masampahan din ng kaukulang kaso ang may-ari ng sasakyan dahil sa wala itong plate number.