TUGUEGARAO CITY-Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang pamamaril-patay sa isang guro sa Alcala, Cagayan.
Sinabi ni PMAJ George Maribbay, hepe ng PNP Alcala na mayroon na silang persons of interest sa pagpatay kay Nicanor Dela Cruz, 50, nagtuturo sa Caralangan Elementary School subalit tumanggi muna siyang kilalanin ang mga ito.
Ayon sa kanya, sa inisyal na pagsisiyasat, sinabi ng dalawang operator ng motorized bangka, nakasakay na ang biktima at habang hinihintay ang kanyang mga kasamang guro na uuwi na rin, may isang lalaki na nakasakay na sa bangka.
Tinanong umano ng hindi nakilalang gunman kung siya si Nicanor at nang makumpirma ay pinagbabaril niya ito.
Nagtamo ng limang tama sa ulo at isa sa dibdib ang biktima.
Agad na tumakas ang gunman at ang kanyang kasama na hindi sumakay sa bangka.
Sinabi ni Maribbay na hindi nakilala ng mga operator ang gunman dahil sa may takip ang kanyang mukha at nakasombrero.
Ayon kay Maribbay, kinuha ng gunman ang slingbag ng biktima na naglalaman ng diary na ayon sa kanyang asawa ay nakasulat dito ang mga aktibidad niya sa eskwelahan, pitaka at mga IDs.
Sinabi niya na posibleng makakuha ng lead sa motibo sa nasabing diary na naka-screenshot din sa cellphone ng biktima.
Nabatid na ang tanging ang pagsakay sa bangka ang transportasyon para makapunta sa poblacion ng bayan mula sa nasabing eskwelahan.