Pinayagan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pamunuan ng Basco Central School sa lalawigan ng Batanes na gamitin para sa klase ng mga apektadong mag-aaral ang isang gusali na hindi naapektuhan ng nangyaring sunog sa naturang paaralan.

Itoy matapos suspendihin ang klase sa nangyaring sunog noong Linggo na nagresulta sa pagkatupok ng nasa mahigit 20 silid na kinabibilangan ng mga classrooms.

Ayon kay SFO3 Jessie Siuagan ng BFP-Basco na batay sa kanilang rekomendasyon, ligtas gamitin para sa klase ang katabing gusali ng nasunog na building.

Matatandaang bandang 12:42 ng tanghali nitong Linggo nang maiulat ang sunog sa naturang paaralan sa Brgy San Antonio.

Bagamat agad na nakaresponde ang BFP subalit malaki na umano ang sunog at mabilis kumalat ang apoy nang makarating sa lugar dahil sa malakas na hangin na dulot ng northeast monsoon o amihan.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay itinaas sa General Alarm ang sunog kung saan nagtulong-tulong ang lahat ng fire stations sa isla at naapula ang sunog bandang 3:38 ng hapon.

Sinabi ni Siuagan na nasa P39M ang inisyal na halaga ng nasunog na gusali, kasama na ang mga learning materials at iba pang kagamitan habang wala namang napaulat na nasaktan o casualty.

Sa ngayon patuloy pang inaalam ng BFP ang pinagmulan at kabuuang halaga ng nasunog na gusali sa naturang paaralan.