Mas mainam pa rin aniya na gumamit ng totoong watawat habang kinakanta ang Pambansang Awit sa halip na video clips sa tuwing may mga seremonya at aktibidad.

Ayon kay Dr. Emannuel Calairo, isang historian na bagamat nasa digital age na ang panahon ngayon ay mahalaga pa ring makita ang nakaladlad na watawat habang kinakanta ang Lupang Hinirang at habang nanunumpa na sumasagisag ng ating pagka nasyonalismo.

Mahalaga din alamin ang tamang paggalang at pangangalaga sa watawat ng Pilipinas gaya ng pagbabawal na ito ay sirain dumihan o pabayaang sumayad o nakalaylay sa lupa at hindi rin ito maaaring gamiting palamuti at bawal din sulatan.

Ngayong Pambansang Araw ng Watawat, hinimok ni Calairo ang lahat ng mga Pilipino na i-display ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng mga opisina, ahensya, business establishments, paaralan at maging mga pribadong tahanan mula May 28 hanggang June 12 bilang pag-gunita sa Flag Days na idineklara noon ni dating Pangulong Fidel Ramos.