Huli ang isang kawani ng gobyerno matapos makitaan ng ipinagbabawal na droga sa MDRRMO building sa Brgy.Centro, Sta.Ana Cagayan.

Kinilala ni PMAJ.Ranulfo Gabatin chief of police ng PNP Sta.Ana ang suspek na si Alyas James, 35 anyos, high value individual, ambulance driver sa MDRRMO at residente sa Brgy.Marede ng nasabing bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na pasado alas sais ng gabi ng makatanggap ng ulat ang himpilan ng pulisya mula sa tanggapan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Sta.Ana partikular na ang kanilang head matapos na makita sa isang driver ng MDRRMO ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Agad na nagtungo ang mga otoridad sa nasabing opisina at nang isuko ang nasabing sachet ay dito na nakumpirmang isa itong ipinagbabawal na gamot o droga.

Base sa salaysay ng kanilang kasamahan na nakapulot ay binunot umano ng suspect ang kanyang pitaka sa kanyang bulsa nang hindi nito mapansin na sumama at nahulog ang isang papel kung saan nakabalot ang hinihinalang shabu.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi pa ng suspek na kanya itong pagmamay ari ngunit base na rin sa resulta ng ginawang examination ay nagpositibo ito sa paggamit ng illegal na droga.

Nagkakahalaga ng P6,800 ang naturang shabu at may bigat na isang gramo.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 partikular na sa illegal possession of dangerous drugs.