Isinusulong ngayon sa kamara ang House Bill 9170 ni Deputy Minority Leader at Aangat Rep. Harlin Neil Abayon III kung saan nakapaloob dito ang pagbibigay ng isang kilong bigas kapalit ng isang kilong basura.
Layunin ng nasabing panukalang batas na matugunan ang problema ng basura sa bansa sa pamamagitan ng pagdadala ng mga tao ng mga na-segregate na mga recycleable plastics at non hazardous waste sa mga redemption centers at dito sila mabibigyan ng bigas, de-lata o pera.
Samantala, dalawang kilo naman ng bigas ang ibibigay kapalit ng isang kilo ng metallic non hazardous waste.
Nakikita na sa ganitong paraan ay kaagad nang paghiwa-hiwalayin ng mga tao ang kanilang mga basura sa kanilang mga tahanan at maiwasan ang pagdami ng basura.
Nasa ilalim din ng panukala ang pag-atas sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng DENR, DA, at DTI na hikayatin ang publiko kaugnay sa tamang segregation.
Samantala, lumalabas naman sa isang pag-aaral ng United Nations o UN na ang Pilipinas ay kabilang sa limang bansa na nagungunang contributor ng plastic waste sa mga karagatan sa buoung mundo.
Sa pamamagitan ba ng panukang ito ay tiyak bang masusulosyunan na ang problemang ito sa bansa?
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Noel Mora, head ng City Environment and Natural Resources Office o CENRO Tuguegarao, sinabi niya na maganda umano ang panukalang ito dahil kanya na ring naisip ito na paraan para makolekta lahat ng mga plasic na nakakalat lamang.
Kinakailangan umano dito ang sapat na pondo para sa barangay upang mabigyan lahat ang mga magdadala ng basura kung sakaling ito umano ay maaprubahan at maimplimenta.
Ang mga makokolektang basura umano ay dadalhin sa mga waste facility centers.
Dapat din umanong maging maayos ang Implementing Rules and Regulations nito upang walang magiging problema para ang lahat lalo na sa walang ginagawa ay pagtutuunan umano ng pansin ang pangongolekta ng mga nakakalat na basura at ipagpapalit sa bigas, mga de lata o pera.
Sa katunayan, sinabi ni Atty. Mora na naumpisahan na rin ito dito sa lungsod ng Tuguegarao partikular na sa Tuguegarao West Central School kung saan nagbigay ang City Government ng seed money.
Meron din umanong nai-download na pondo ang Ecosavers Fund mula sa Environmental Management Bureau o EMB na nagkakahalaga ng P25,000 upang magawa lang ang implementing guidelines kaugnay sa pagbili sa mga makokolektang basura kung saan uumpisahan ito sa Tuguegarao East Central School.
Dagdag pa ni Atty. Mora na sapat na sana ang mga kasalukuyan batas katulad ng Repulic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act kung may kooperasyon ang publiko at hindi na kinakailangan sana na bigyan ng insentibo dahil galing din ang mga basura sa publiko, establishimento, paaralan, maging sa mga ahensya ng gobyerno at marami pang iba.
Samantala, sa panig naman ng EcoWaste Coalition, sinabi ni Aileen Locero, National Coordinator ng naturang grupo, na marami umano ang kanilang katanungan may kaugnayan sa House Bill 9170 tulad ng kung saan dadalhin ang mga makokolektang plastic na hindi recyclable dahil hindi naman umano ito kinukuha ng mga mangangalakal.
Sinabi rin nito na ang mga nakapaloob na Non-hazardous tulad ng electronic waste equipment ay ikinokunsidera na hazardous sa ilalim ng Republic Act 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Act of 1990 at hindi umano ito basta basta kinokolekta at kinakailnagan pa ng mga kaukulang permit.
Nakikitang solusyon ng naturang grupo ang pagpapaigting sa Ecological Solid Waste Management Act at hindi ang naturang panukala dahil maari pa umano itong magresulta lamang sa pagdami ng basura.
Posible umano kasing mas tatangkilikin ng taumbayan ang paggamit ng plastik upang may makolekta sila at ipalit sa mga insentibo.
Inirekomenda rin ni Locero sa mga Local Government Units na i-adopt ang “Refill Revolution” o ang pagkakaroon ng sistema sa paggamit ng plastik.
Samantala, ano naman ang reaksiyon dito ng publiko?
Sa panayam ng Bombo Radyo, may nakapagsabi na bagamat maganda ang layunin ng nasabing panukala dahil pagtutuunan ng pansin ng mga tao ang pangongolekta ng basura ay maari din na ito ang dahilan para dumami ang mga plastik.
Magkakaroon din umano ng kamalayan ang publiko sa tamang pagtatapon ng basura para mayroon silang makolekta ngunit pangamba nito na baka dadami lang ang basura.
Ibinahagi rin nila ang kanilang paraan sa tamang paggamit ng plastik kung saan paulit-ulit nila itong kinukuha kapag namamalengke upang maiwasan na marami ang kanilang magagamit.
Kapag dalawang plastic bag din umano ang ibinibigay sa kanila ay mas minamabuti na lamang na isa ang gamitin at kung may espasyo pa ay doon na lamang ilalagay ang mga kinakailangan at hindi na gagamit pa ng panibago.
Marami man ang mga nais na ipatupad dito sa ating bansa may kaugnayan sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura at pag-iwas sa paggamit ng plastic ay pinakaimportante pa rin ang pagsimula sa bawat isa sa paggawa ng maganda para sa ikakabuti ng kalikasan.