TUGUEGARAO CITY- Umaasa si Jojit Alexis Araña,Sangguniang Kabataan president sa Dinapigue, Isabela na marami ang mahihikayat na tumulong sa paglilinis sa ating kapaligiran matapos na makuha ang ikatlong pwesto sa National Most Outstanding SK project sa buong bansa nitong buwan ng Agosto.
Ayon sa kanya, pinapalitan nila ng isang kilo ng bigas ang ibinibigay sa kanila na isang kilo ng plastic ng mga residente.
Sinabi ni Araña na binuo nila ang nasabing proyekto dahil sa nais nilang makatulong na mabawasan ang mga nakakalat na mga plastic sa kanilang lugar.
Ayon sa kanya, umaasa siya na magsilbi itong inspirasyon hindi lamang sa SK kundi sa lahat upang mabawasan ang problema sa mga basura lalo na ang mga plastic.
Sinabi pa ni Araña na hindi nila inasahan na makikilala ang nasabing proyekto dahil sa umabot sa 125 entries na mula sa malalaking lugar sa bansa ang sinala at pinagpilian ng mga hurado.
Ayon sa kanya, isang malaking karangalan ang natanggap nilang pagkilala.