Sugatan ang isang 27-anyos na lalaki matapos na sinakmal umano ng isang buwaya sa Buan, Panglima Sugala, Tawi-Tawi.
Ayon sa pamilya ng biktima, nakaupo umano ang lalaki sa balkonahe ng kanilang tiyakad na bahay nang tumalon umano ang buwaya at sinakmal siya.
Dahil dito, nahulog ang lalaki sa dagat.
Sinabi ni Sarima Atara, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer, malaki daw ang buwaya at kayang tumalon mula sa dagat sa balkonahe ng bahay ng biktima.
Dinala ang lalaki sa ospital matapos na magtamo ng mga sugat sa kanyang likod, at ngayon ay nasa ligtas ng kundisyon.
Ayon sa pamilya ng lalaki, pitong katao na ang kinagat ng buwaya sa kanilang lugar.
Nagpapasalamat sila dahil sa wala naman umanong namatay sa mga sinakmal ng buwaya.
Ayon naman sa MDRRMO, ang Barangay Buan ang isa sa tatlong barangay sa nasabing bayan ang may mga saltwater na buwaya.
Ang dalawa pang barangay ay ang Dungon at Karaha.
Ipinarating na sa pamahalaang panlalawigan ng Tawi-Tawi ang nasabing insidente.
Sinabi ng MDRRMO na isa ito sa tinalakay sa kanilang council meeting dahil banta ito sa mga residente, lalo na sa mga lugar na may mga buwaya.
Ayon sa kanya, palagian naman ang kanilang paalala sa mga residente na maging alerto at laging mag-ingat laban sa mga buwaya.