Hinuli ng intelligence operatives ang mayor ng San Simon, Pampanga na si Abundio Punsalan Jr. dahil sa umano’y pagtanggap ng suhol kapalit ng paborableng resolusyon mula sa lokal na pamahalaan.

Ayon sa reklamo ng Realsteel Corp., humingi umano si Punsalan ng P80 million, kung saan ang paunang bayad ay P30 million at ang natitirang P50 million ay babayaran ng installments.

Hinuli ng mga awtoridad ang mayor at ang mga umano’y kasabwat nito matapos na akto silang tumatanggap umano ng bribe money sa isang reastaurant sa Clark, Angeles, Pampanga noong hapon ng Martes.

Dinala sa kustodiya ng mga awtoridad ang security personnel ni Punsalan matapos na makuha sa kanyang pag-iingat ang maraming baril at mga bala, na isasailalim sa beripikasyon.

Dinala ang mayor, ang kanyang mga kasabwat, at kanyang security personnel sa headquarters ng National Bureau of Investigation sa Pasay City.

-- ADVERTISEMENT --

Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Pampanga Governor Lilia Pineda sa nasabing insidente at nanawagan kay Punsalan na ipagtanggol ang kanyang sarili sa mga nasabing kaso.