
Nakakulong ngayon sa Kamara ang isang mayor ng Batangas na nahaharap sa contempt citation matapos na hindi sumipot sa imbestigasyon sa umano’y iregularidad kaugnay sa operasyon ng waterworks system ng kanyang bayan.
Dinala si Bauan Mayor Ryanh Dolor sa kustodiya ng Kamara sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 mula sa Los Angeles, California nitong Miyerkules ng gabi.
Ipinag-utos ang pagpapakulong kay Dolor ng House committee on public accounts na pinamumuan ni Abang Lingkod Rep. Joseph Paduano nitong March 17 dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig sa privatization ng Bauan Waterworks System (BWS).
Ang imbestigasyon ay base sa December 2024 resolution na kumukuwestion sa umano’y iregularidad sa transaction ng local government sa Aquadata, ang kumpanya na nanalo sa kontrata para sa privatization ng BWS noong 2008.
Tinukoy ng House resolution ang Commission on Audit report, kung saan nakasaad na nagresulta ang privatization sa pagkalugi ng lokal na pamahalaan dahil mas malaki ang share ng kumpanya na 95 percent sa net revenues habang ang munisipalidad ay 5 percent lamang.
Sa kabila nito, pumasok ang Bauan sa panahon ng termino ni Dolor sa holdover agreement sa kumpanya, na nagresulta sa lalong pagkalugi kahit pa noong termination ng kontrata sa pagitan ng dalawang partido.
Ayon sa komite, nagpadala sila ng tatlong imbitasyon, show-cause order, at subpoena kay Dolor bago siya i-cite for contempt.
Nagpadala naman si Dolor ng travel authority na pinirmahan ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na nagpapahintulot sa kanya na pumunta sa US mula March 11 hanggang 26 para sa medical reasons.
Subalit, tinanggihan ng panel members ang rason ni Dolor, dahil hindi siya nagpakita ng medical records o justification para sa kanyang biyahe.