Nagdesisyon si Mayor Roseller “Boots” Rodriguez ng bayan ng Capas sa Tarlac na pakawalan ang confidential fund ng kanyang tanggapan, na kamakailan lang ay napagtanto niya na posible pala itong gawin.

Sinabi ni Rodriquez na ang naging inspirasyon niya sa kanyang desisyon ay mula kay dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo na tinanggal ang kanyang confidential fund.

Ayon kay Rodriguez, may inilaan na P8 million na confidential fund sa kanyang tanggapan buhat nang kanyang unang termino noong 2022, kung saan ginagamit ito para suportahan ang kapulisan sa kanilang mga programa at anti-criminality campaign, partikular sa iligal na droga.

Subalit, sinabi niya na hindi naging epektibo ang kanilang antidrug campaign.

Inihalimbawa niya na kahit pa naaresto ang lahat ng drug pushers sa Capas, papasok pa rin sa kanilang bayan ang mga tulak ng droga na mula sa ibang bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, palipat-lipat lang ng lugar ang mga sangkot sa iligal na droga.

Sinabi pa ng alkalde na nakita niya ang pagkakadoble ng confidential fund at ang municipal government-funded Peace and Order and Public Safety Plan (POPS).

Iginiit ni Rodriguez na ang kanyang desisyon ay walang layunin na maging halimbawa o pressure sa ibang local officials.