Makakatanggap ang isang milyong magsasaka ng tig-P7,000 cash aid sa ilalim ng panukalang P6.7 trillion budget para sa 2026.

Inihayag ito ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa joint hearing ng House Committee on Agriculture and Food at Committee on Ways and Means.

Sinabi ni Dy na ibibigay sa mga magsasaka ang P7,000 bilang tulong sa kanilang pagkalugi dahil sa mababang farmgate prices ng palay.

Ayon kay Dy, ito ay bilang tugon din sa Executive Order 93 na pansamantalang nagsususpindi sa importasyon ng bigas para protektahan ang mga lokal na mga magsasaka mula sa sobrang suplay at mababang presyo.

Idinagdag pa ni Dy, na bukod sa cash aid, hiniling nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lahat ng subsidiya mula sa Department of Agriculture tulad ng seed subsidy ay ibibigay ng cash sa mga magsasaka upang lalo pang matugunan ang kanilang mga hinaing.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Dy na maraming magsasaka sa kanyang probinsiya sa Isabela ang ibinebenta ang kanilang palay sa napakababang presyo na umaabot sa P8 per kilo, masyadong mababa sa P16 hanggang P18 na kailangan na mabawi ang kanilang lugi.

Iginiit ni Dy na kung hindi kumikita ang mga magsasaka, ito ay magiging banta sa food security ng bansa.