Nagbalik-loob ang isang miyembro umano ng Communist Terrorist Group (CTG) noong mismong araw ng mga puso sa Barangay Mapurao, Allacapa, Cagayan.
Kinilala siya na si alyas Bobet, 44-anyos, magsasaka, residente ng nasabing lugar.
Isinuko rin ni Bobet ang isang granada.
Ang pagsuko ni Bobet ay sa pagtutulungan ng PNP Allacapan, 203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, at 3rd Mobile Force Platoon NG 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company.
Ayon kay Bobet, noong Disyembre 2011, siya ay nilapitan ni alyas Spike habang nagtatrabaho sa kanyang sakahan.
Humingi ito ng tulong na makuha ang kanilang mga suplay sa pagkain at pangmedikal, na agad naman niyang pinagbigyan at isinakay sa kaniyang kuliglig.
Sa insidente, ay kaniyang nakatagpo ang tatlong armadong Amazon, kabilang na ang isang babaeng Aeta, na may dalang mga mahabang armas at bandoliers.
Pagkatapos ng insidente, iniwan ni alyas Spike ang rifle grenade kay Bobet.
Dahil sa takot at pagmamahal sa kanyang pamilya, nagpasiya siyang itigil ang ugnayan nito sa grupong makakaliwa noong 2012.