TUGUEGARAO CITY- Land dispute o alitan sa lupa ang nakikitang motibo sa pagbaril-patay sa isang negosyante sa bayan ng Amulung, Cagayan kaninang umaga.
Sinabi ni PCAPT Isabelita Gano, information officer ng PNP Cagayan na sa paunang pagsisiyasat ng imbestigador ng PNP Amulung sa isang saksi na isang 20 anyos na binata na may lumapit na isang lalaki na nakamotorsiklo sa tapat ng establishimento ng biktima na si Ronald Quintos sa Barangay Catarauan kaninang 6:00 ng umaga.
Ayon sa saksi, nag-usap muna ng ilang minuto si Quintos at ang gunman ng biglang kinuha ng salarin ang kanyang baril at pinapatukan ang biktima na tinamaan sa kanyang kanang kilikili.
Hindi umano nakilala ng saksi ang gunman dahil sa nakatalikod siya at agad din siyang tumakbo ng binaril na ang biktima.
Lumabas din ang misis ng biktima nang marinig ang putok ng baril subalit wala na ang gunman at agad na dinala ang asawa sa isang pribadong ospital sa lungsod ng Tuguegarao subalit idineklara siyang dead on arrival.
Sinabi ni Gano na may kasama ang gunman sa kalsada na sakay din ng motorsiklo at nang mabaril na ang biktima ay agad silang umalis sa lugar at nagtungo sa magkaibang direksion.
Idinagdag pa ni Gano na sinabi ng misis ng biktima na dati ng may banta sa sa kanyang asawa subalit tumanggi munang itong iditalye habang kasalukuyan pa ang imbestigasyon.
Sinabi pa ni Gano na mayroon na ring persons of interest sa nasabing krimen.