Arestado ang isang patrolman matapos umano’y magpaputok ng baril nang walang sapat na dahilan sa Santo Niño, Cagayan, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kinilala ang suspek na si Patrolman Jerald Sampaga, 29-anyos, na nakatalaga sa Logistics Section ng CIDG Administrative and Resource Management Division.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa bakasyon umano si Sampaga at bumisita sa kanyang nobya sa nasabing bayan nang mangyari ang insidente.
Habang nag-iinuman kasama ang pamilya ng kanyang nobya, bigla raw nitong kinuha ang kanyang service firearm — isang 9mm pistol — at nagpaputok ng isang beses sa ere.
Agad siyang inaresto ng lokal na pulisya at dinala sa Santo Niño Municipal Police Station.
Sa ngayon, inilipat na si Sampaga sa Personnel Holding and Accounting Branch ng CIDG habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (alarms and scandals) at sa Republic Act 11926 kaugnay ng indiscriminate discharge of firearms.