Matapos ang dalawampung taon na huling may Pilipinong nakaakyat sa Mt. Everest, muling naisulat ang kasaysayan sa ngalan ng tapang at determinasyon.

Si Rhisael “Ric” Rabe, tubong Cotabato City, ang pinakabagong Pinoy na matagumpay na nakarating sa tuktok ng pinakamataas na bundok sa buong mundo noong Huwebes, Mayo 15, bandang alas-7:15 ng umaga sa Nepal.

Walang media, walang sponsor—isang tahimik ngunit makabuluhang tagumpay na isinakatuparan kasama ang tatlong Nepalese, isang Indian, at isang British mountaineer.

Matinding paghahanda at matatag na loob ang naging puhunan ni Rabe sa ekspedisyong ito.

Ayon sa kanyang maybahay, hindi pa tapos ang kanilang panalangin hangga’t hindi siya ligtas na nakakababa.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inaabangan din ang pagtatangka nina Jeno Panganiban at Miguel Mapalad mula sa Philippine 14 Peaks Expedition Team na marating ang summit.

Huling naitala ang tagumpay ng mga Pilipino sa Everest noong 2007 sa pamamagitan nina Noelle Wenceslao, Carina Dayondon, at Janet Belarmino.