Pinabulaanan ng InfinitUs Marketing Solutions Inc. ang alegasyon na pumasok ito sa isang kontrata sa Chinese Embassy para kumuha umano ng trolls at isulong ang pro-China narratives.
Sa isang pahayag, tinawag ng nasabing public relations firm na walang basehan ang mga akusasyon na isiniwalat ni Senator Francis Tolentino sa pagdinig kamakailan ng Senate special committee on maritime and admiralty zones tungkol sa submersible drones at ang alegasyon ng Chinese spying activities sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng kumpanya na wala silang anomang kasunduan sa Chinese Embassy o alinmang foreign government para sa troll operations, disinformation, o illicit digital activity.
Sinabi ng kumpanya na ang service agreement na ipinakita ni Tolentino sa pagdinig ay walang validation, walang pirma, at hindi umano nila ito alam.
Habang itinatanggi ang pagkakaroon ng service agreement sa Chinese Embassy, sinabi ng InfinitUS na ang tseke na ipinakita ni Tolentino ay tunay subalit legal umano at makatuwiran.
Una rito, isiniwalat ni Tolentino ang tseke mula sa Bank f China Manila Branch na may petsang September 2023 na nagbayad ng P350,000 sa kumpanya para sa umano’y service agreement sa Chinese Embassy.
Ipinaliwanag ng kumpanya na legal ang kanilang ibinibigay na serbisyo sa kanilang mga kliyente, kabilang ang diplomatic institutions.
Ayon dito, ang bayad sa nasabing serbisyo ay nakakatugon sa standard at sumusunod sa Philippine banking, tax, anti-money-laundering, at corporate laws.
Kasabay nito, sinabi ng kumpanya na nakakaalarma at kuwestionable ang hindi otoridadong pagsisiwalat sa publiko ng kanilang financial records, kung saan ito umano ay maituturing na paglabag sa banking secrecy laws, financial regulations, at privacy statutes.